MAY mga natuklasang pagkukulang sa ipinasusunod na aviation safety rules ng Civil Aviation Authority of the Phillipines (CAAP). At ang pagkukulang ang sinasabing dahilan kaya may mga nangyayaring aksidente o pagbagsak ng eroplano. Isa umano ang sinakyang Piper Seneca ni dating DILG secretary Jesse Robredo na hindi nasunod ang tuntunin para sa aviation safety. Bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Robredo noong Agosto sa karagatan ng Masbate at kasamang namatay ang piloto at isang student pilot. Ang aide ni Robredo ang tanging nakaligtas.
Ayon sa report hindi sinunod ng isang CAAP inspector ang mga tuntunin at hindi rin naisyuhan ng airworthiness certificate ang Piper Seneca bago pinalipad ni Capt. Jessup Bahinting mula sa Cebu. Kasama ni Bahinting ang student pilot na si Kshitis Chand. Hindi pa umano nakakalayo ang eroplano sa Cebu ay nagloko na ang isang makina ng eroplano. Pero kahit na iisa na lang ang gumaganang makina, itinuloy pa rin itong paliparin. Hanggang sa magkaproblema at mag-crash sa dagat. Isa ang nakaligtas., Ilang araw ang ginugol bago natagpuan at nakuha ang mga bangkay nina Robredo, Bahinting at Chand.
Walang gatol na sinabi ni President Aquino na walang kakayahan si Bahinting na magpalipad ng eroplano. Hindi umano trained si Bahinting sa pagpapalipad ng eroplano na iisa ang makina. Natuklasan din naman ang pagkakamali sa pagsasama sa student pilot at humahalili sa pagpapalipad ng eroplano.
Ang hindi pagsunod sa aviation safety ang dahilan kung bakit nakapako sa Category 2 sa Aviation ang Ninoy Aquino International Airport. Maraming pagkukulang kaya naman may mga nangyayaring pagbagsak. Kung magpapatuloy ang ganitong sistema sa aviation, darating ang araw na marami pang mapapahamak. Huwag naman sana.
Ang aksidenteng tumapos kay Robredo at iba pa ay nararapat magbukas sa isipan ng CAAP officials. Dapat magkaroon ng reporma at ibayuhing ipasunod ang tuntunin sa aviation safety.