FOI bill kapatid ng Anti-Dynasty bill

MALABONG makalusot ang Freedom of Information bill dahil maaaring magamit laban sa mga opisyal ng gobyerno at politiko. Kahit pa sa mga susunod na Kongreso ay mahihirapan itong mapagtibay dahil hindi pabor sa mga pulitiko. Mas madaling makakuha ng sapat na impormasyon sa  mga yaman  ng mga opisyal ng gobyerno legal man o illegal.

Kaya marahil  ayaw ng mga mambabatas at maging iba pang opisyal ng gobyerno na malagay sa balag ng alanganin.

Ang FOI bill ay mahahalintulad sa Anti-Dynasty bill na napakatagal na ring natulog sa Kongreso at halos lahat ng mga nakaraang balangkas ng Kongreso ay inihahain ang panukala pero hindi naman umuusad at lalong hindi nakakalusot. Ang masaklap ay ang alegasyon na mismong ang Malacañang daw ang may kagustuhan subalit mariin itong pinabulaanan.

Maituturing na magkapatid ang FOI bill at Anti-Dynasty bill dahil parehong laban sa interes ng mga taga-gobyerno. Mas mabigat pa nga ang Reproductive Health bill dahil nagiging dahilan ito nang pagkakawatak-watak ng mga Pinoy dahil sa pagkakaiba ng paniniwala.

Pero sa FOI bill nagkakaisa ang buong sambayanan na sumusuporta rito pero ang tutol lang naman ay mga pulitiko at opisyal ng gobyerno. Siyempre, maraming pulitiko at opisyal ang pabor pero kung talagang gugustuhin ng  mga ito ay tiyak na lulusot.

Kung mapagmasid lang, kadalasan na mabilis nakakalusot ang panukalang batas ay may kinalaman sa pagpapapogi ng gobyero at indibidwal na pulitiko. Mabilis ding umaksiyon sa mga panukang batas na hinihinalang may lobby fund.

Talagang only in the Philippines lang may kakaibang pulitiko na para bang gusto nila na sila na lang ang mabuhay at magpa­sarap. May pagkakataon naman tayong mamamayan na gantihan at bigyan ng  leksiyon ang mga pulitikong ito kung magigising lang tayo sa katotohanan. Huwag na silang iboto sa eleksiyon.

Show comments