Mahigpit ang tagubilin ni NCRPO director Leonardo Espina sa pagpapatupad sa 2-minutong responde sa mga krimen.
Dapat daw pag may humingi ng tulong o responde, aba’y sa loob ng dalawang minuto kailangan itong matakbuhan ng pulisya lalu na nga ngayong nalalapit na ang holiday season na inaasahang tataas ang mga petty o street crime.
Hindi raw dapat ang tulog nang tulog na mga pulis lalo pa nga’t malamig na ang panahon dahil baka masalisihan ng mga kawatan, at baka sila naman ang masampolan.
Hindi ba’t ganito ang nangyari sa isang presinto sa Pasay City kung saan nakunan ng camera na tulog ang halos mga naka-duty na police. Kinabukasan ayun, sibak lahat sa puwesto kasama ang kanilang hepe dahil sa command responsibility.
Ngayong papasok na ang buwan ng Disyembre matindi ang nagaganap na nakawan at holdapan, isama pa ang talamak na mga akyat-bahay.
Sa Sta. Cruz, Maynila, pinasok ng isang barangay tanod pa naman ang bahay ng isang bank executive. Pagnanakaw lamang ang motibo kaya lang nagising at nakita ang suspect ng kanyang mga biktima, tinuluyan at minasaker ang 3 katao.
Naaresto naman agad sa isinagawang follow-up operation ang suspect.
Kung tutuusin maganda ang mga nagiging follow-up operation ngayon ng pulisya sa mga malalaking kaso. Ang kasong panghahalay at pagpatay sa modelong si Julie Ann Rodelas, nadakip din agad ang mga sangkot.
Nalutas din agad ang kasong pagpaslang at tangkang panghahalay sa UST graduate na si Cyrish Magalang.
Mga malalaking kaso ito na mabilis ang pagkaaresto sa mga sangkot.
Pero mas maganda sana kung matutukan ang prebensyon sa ganitong mga uri ng krimen sa pamamagitan ng mas malakas pang police visibility o mahigpit na pagbabantay sa mga nasasakupan.
Kung maaagapan ang pagsalakay ng mga kriminal, walang kailangang lutasin pang krimen.