Editoryal - Ba’t ayaw ipanood sa publiko ang massacre trial?

MARAMING nagtataka kung bakit ayaw pa­yagan ng Supreme Court ang “live coverage” sa Maguindanao massacre trial. Biglang-bigla ang pagbabago ang desisyon ng SC. Maski ang Mala­cañang ay nadismaya sa desisyon ng SC. Umaasa silang magbabago ang desisyon ng SC at babaliktarin ang una nilang pasya.

Hindi lamang ang Malacañang ang nadismaya kundi maging si Justice Secretary Leila de Lima. Hindi raw dapat ipagbawal ang live coverage sa­pagkat “trial of the century” ang kaso. Dapat aniyang repasuhin ang desisyon ng SC kaugnay sa “no live coverage” ng massacre trial.

Hindi rin mapigilan nang marami ang mag-react sa desisyon ng SC sapagkat akala nila, wala nang problema sa “live coverage” pero biglang nagbago. Isang malaking katanungan kung bakit dapat pagbawalang maibrodkas nang live ang paglilitis.

Noong Hunyo 14, 2011, pinayagan ng SC na ma­ikober nang live ng radio at TV ang trial pero isasailalim sa certain guidelines ng trial court. Noong Oktubre 23, 2012, ni-reversed ng SC ang desisyon at ipinaliwanag na kailangang maprotektahan ang karapatan ng akusado at maging ang mga saksi.

Nakapagtataka ang biglang pagbabago sa desisyon ng SC ukol sa live coverage. Pumayag na pero binawi pa. Bakit nga kaya? Ang Ampatuan trial, gaya nga ng sinabi ni Sec. De Lima ay trial of the century. Dapat na mapanood ng mamamayan.  Dapat nilang malaman ang mga nangyayari sa trial.

Magtatatlong taon na mula nang maganap ang massacre pero hanggang ngayon ay wala pang nararating. Wala pang liwanag kung kailan makakamit ang hustisya. Limampu’t pito ang pinatay (30 rito ay mga mamamahayag) at saka itinapon sa hukay. Karumal-dumal ang ginawang pagpatay. Nauuhaw na sa hustisya ang mga kaanak.

Pero lalo lamang umaantak ang sugat ngayong bawal ang “live coverage” dahil baka raw matapakan ang karapatan ng mga nasasakdal. Paano naman ang mga nabiktima?

 

Show comments