Pilipinas, walang halaga kay Obama

BIBISITA umano sa mga bansa sa Southeast Asia si US president Barrack Obama sa Nobyembre 17-20. Inanunsiyo ng White House na ang mga bibisitahing bansa ni Obama ay ang Myanmar, Thailand at Cambodia. Hindi kasama ang Pilipinas sa bibisitahin.

Noong unang termino ni Obama, nakapasyal siya sa mga bansa sa Southeast Asia ngunit hindi ang Pilipinas.

Sinabi ko bago pa sumapit ang US presidential elections na walang epektong malaki sa Pilipinas kahit sino pa ang manalong presidente. Mabuti pa nga si dating US president George W. Bush na isang Republican ay nagawang makabisita sa Pilipinas.

Maraming Pinoy ang nakipagsaya sa panalo ni Obama kung saan ay nagkaroon ng aktibidad ang US embassy. Pero hindi tayo naalala ni Obama. Dahil siguro maliit lang na bansa tayo.

Ang US ang lagi nating ipinangangalandakan na magtatanggol sa atin kapag may bansang aaway sa atin. Kapag may tensiyon sa west Philippine sea, bukambibig ng mga Pilipino na tutulungan tayo ng US. Pero tayo lang pala ang madalas na makakaalala sa US. Wala tayo sa kanilang isipan at prayoridad.

Tama na ang ilusyon. Dapat mamuhay tayo na hindi sumasandal sa US. Kung maalala nila tayo ay ayos lang, kung hindi, wala rin tayong pakialam sa kanila.

Show comments