LUMULUTANG na naman ang panawagan na muling ibalik ang parusang bitay dahil sa sunud-sunod na karumal-dumal na krimen na ang pinakahuling biktima ay ang 20-anyos na UST cum laude graduate.
Masakit para sa mga magulang at kaanak nito ma-ging sa iba pang biktima ng karumal-dumal na krimen. Pero napatunayan na natin na walang kuwenta ang parusang bitay sa bansa dahil hindi ito pinatutupad nang maayos.
Hindi sanay ang mga Pilipino na magpataw ng bitay sa mga nagkasala dahil likas tayong maawain. Sa death penalty kasi kapag sablay ang desisyon ng korte ay wala nang habol dahil hindi na maaring maibalik ng nawalang buhay.
Maraming bilanggo ang nahahatulan subalit inosente o gawa gawa lamang ang ebidensya. Mahina kasi ang ating sistema sa pagkalap ng ebidensiya. Masyadong nagmamadali ang mga pulis na malutas ang krimen at hindi pulido ang imbestigasyon.
Mas mahirap pa nga ang makulong sa ating bansa dahil sa sobrang sikip at talaga namang masahol pa sa bitay ito. Kaya nga maraming tumatakas sa bilangguan.
Ang pinaka-mabuting magagawa ay bilisan ang proseso ng paglilitis at tiyakin na mapaparusahan ang tunay na salarin upang maibigay ang katarungan sa mga biktima ng krimen.
Anuman ang parusa maging habambuhay na pagkakulong o bitay, ang pinakamahalaga ay maipapataw nang tama at mabilis ang parusa sa tunay na nagkasala.