Maganda ang panukalang limitahan ang operating hours ng mga nightclubs, bar KTV at mga katulad nito.
Ibig sabihin magkakaroon na rin ng curfew sa ganitong uri ng mga negosyo o establisimento.
Nakapaloob ito sa House Bill 3235 na ipinanukala ni Caloocan City Rep. Oscar Malapitan.
Layunin daw ng panukalang batas na ito eh para mabawasan ang pagdami ng krimen lalu na sa gabi at madaling araw, gayundin mabawasan ang mga aksidente sa lansangan na ang sanhi naman ay dahil sa matinding kalasingan.
Base sa panukala, magsisimulang mag-operate ang mga ganitong uri ng establisimento alas-5 ng hapon hanggang ala- 1 ng madaling araw.
Kung tutuusin, pwede ang ganitong batas, yung nga lang siguradong maraming mga negosyante ang magpoprotesta rito at malamang na mag-lobby para hindi pumasa ang panukalang batas na ito.
Siyempre ang laki ng mawawala sa kanila sa kanilang negosyo.
Kadalasan kasi inaabot ang ganitong mga uri ng negosyo ng mag-uumaga na kaya nga ang nagiging target madalas ng kawatan eh ang mga pauwi nilang kostumer. Hindi rin nakakaligtas dito ang mga aksidente sa lansangan dahil naman sa kalasingan at matinding antok na ng mga pauwing kostumer.
Hindi lang yan nakalimutan marahil ni Congressman na may ilang establisimento ganito ang nakatayo malapit sa mga residential area. Perwisyo ang iba dahil sa ingay ng mga ito, nabubulabog pa ang mga nakatira malapit sa kanila dahil sa matinding ingay.
Sa lungsod nga lang ng Quezon may ordinansa na tungkol sa noise pollution o yung mga karaoke bar na natatayo malapit sa residential area pero halos hindi pa rin nasusunod. Ok lang ang magnegosyo pero sana ay hindi naman nakakaperwisyo.
Aantabayan natin kung lulusot ang batas na ito at kung ano ang magiging argumento ng mga kokontra.