^

Punto Mo

‘Ang mauna... reyna!’

- Pang-masa

HINDI porke’t ikaw ang nauna, ikaw na reyna… “Ako ang nagtabas ng dayami, ako ang naglinis ng lupa at naglagay ng butil ngayon. Ngayon sila ang bumubungkal para tayuan ng kanilang mga tirahan,” wika ni Flor. Kung dati mga nakabaong palay, kamoteng baging, kamoteng kahoy at nakasabit na sitaw ang  nasa loob ng 25 ektaryang lupain na kanyang binakuran, mahigit tatlong libong residente na ang nakatirik sa lupa. “Dumami na sila ng dumami, kanya-kanyang squat… wala na akong nagawa,” reklamo ni Flor. Si Flor De Guzman, 60 anyos ang dating nangangasiwa sa isang ‘Friar Land’  o mga lupang ibinigay ng mga Pari nung panahon ng Kastila, sa Bagumbong, Bagong Silang, Caloocan City. Hiwalay sa asawa si Flor, may tatlong anak. Mula Tuguegarao, Cagayan lumuwas sila sa Maynila. Nagtrabaho bilang mananahi sa isang pabrika. Pitong taong nangupahan si Flor sa Valenzuela sa halagang Php50.00. Sabik magkaroon ng sariling tahanan si Flor kaya ng mabalitaang may murang  matatayuang bahay sa Bagumbong agad siyang kumuha dito. Sa halagang Php1,000 may rights  na daw siyang magtayo ng bahay, may sukat na 72sqm. Enero 1986, nang magawa ang tirahan ni Flor. Pangatlo lang siya sa titira sa lote. Sila ng pamilya ni Tom Ib-ib at Isagani Silva. Pagsasaka ang kinabuhay ni Flor sa Cagayan kaya’t naisip niyang taniman ang ilang lupain sa Bagumbong. Nagpasaka sila nila Tom, nagpaararo ng iba’t ibang gulay. Dumami ang trabahador at uminam rin ang buhay nila. Ang bahay na noo’y sako ang bintana, kawayan ang sahig at tagpi-tapi ang bubong… naipasimento na ni Flor.

“Maayos na sana hanggang pasukin kami taong 1992,” kwento ni Flor. Nilusob sila ng walong guwardiya at dalawapu pang katao. Pakilala ng mga ito sila ang may-ari ng 25 ektaryang lupain. Gamit ang dalang may mga tusok na alambre (barb wire), maso at mga kahoy mabilis na binakuran ang lote. Halos ¼ na lang ang natira para kina Flor. Matagal na namalagi dun ang mga nangangamkam. Umabot sa kasuhan ang dalawang panig. Nagreklamo sina Flor ng

Trespassing, ayon kay Flor binigyang timbang ng korte, Branch 50 Caloocan ang  pagiging claimant nila. “Sabi ng Judge hayaan kaming mapatituluhan ang lupain at kapag hindi namin nagawa saka sila pumasok,” ayon kay Flor. Nanatili sila Flor sa lupain. Taong 2000, naisip nila Flor na gumawa ng samahan para makapagparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC). kakailanganin nila ito para mayroon silang boses sa bawat negosasyon na magkakaroon. “Aba, rehistrado kami sa SEC!” anya ni Flor. Nagbuo sila ng tatlong grupo. ‘Christian Community’ ang kay Flor, samahan ng ‘Born Again Christians’ ,tatlong ektarya ang laki para sa 50 pamilya.  ‘Gmelina’ ang tawag sa grupo ni Ib-Ib. Pinangalan ito sa punong pumapalibot sa kanilang sinasakupan, aabot  ito sa walong ektarya. ‘Brad and Sis’ naman ang kay Silva na nasa 3 ektarya din ang laki. Napaalis man ang kanilang kalaban at nakapagtatag ng mga samahan. Dinagsa naman daw sila ng mga gustong mag-squat sa lupa.

“Gigising ka na lang may bahay na sa paligid. Kumpleto na sila ng kasangkapan, dingding, bubong… itatayo na lang nila,”pagsasalarawan ni Flor. Sa dami nilang nandun ‘di niya magawang kontrolin ang mga ito. Pinagpatuloy ni Flor ang pamamahala ng Christian Community. Bilang president nagpa-feeding program siya, medical mission, paliga at prayer meetings. Triple man ang populasyon, maayos at tahimik daw ang kanilang lugar. Hangang makalaban niya ang pamilya Duran. Isa daw sa binigyan ng karapatan ni Flor na magtayo ng bahay sa Bagumbong. Ayon sa salaysay ni Flor sa Prosecutor’s Office, Caloocan, ika- 23 ng Enero 2008 ng puntahan niya ang kapitbahay na si “Aida” at pinakiusapang sa tapat ng bahay na lang nila magtinda at huwag sa kinakasakupan. Kinabukasan nakita niya si ‘Manong Pons’ na nagtitinda sa kanyang lugar. Pinagsabihan niya ito. Nang tinabi niya ang displehan ng mga paninda sa kanyang bakod, bigla na lang daw inagaw ni Diosdado Duran ito at itinama sa dibdib niya. Ginantihan niya ng tulak. Siya namang suntok nito sa kanyang ulo. Lumapit ang noo’y nanonood na misis ni Diosdado na si Nelia. Bigla siyang pinagduduro sa mukha. Hinablot ni Flor ang kanyang   kamay. Nag-init lalo si Nelia sinabunutan siya nito sabay tadyak sa kanyang sikmura. Natumba si Flor, nagpang-abot sila ni Nelia at nagpagulong-gulong. Siya namang lusob ng 18 anyos na anak ni Nelia. Tadyak din sa mukha ang inabot ni Flor. Sinuntok siya sa pisngi at kanang mata sabay mura, “P#7@n6 i#@ mo! Ang sarap mong patayin, pagtutulungan ka namin!” Pinagtulungan siya ng tatlo. Huminto lang ang mga ito ng dumating ang pulis kasama ng kanyang anak na si ‘Julie’.

Dumiretso si Juliet sa PNP, Zapote Rd., Caloocan para magsampa ng kasong Physical Injuries, Grave Threats at Oral defamation. Si Flor naman na noo’y halos makakain na ng buhangin dahil sa mga tadyak sa bibig, pina-‘medical examination’ sa Jose Rodriguez Hospital. Umabot na sa Korte ang bakbakan nila Flor. Na-‘dismiss’ ang kasong Grave Threats na nakasampa sa Branch 50. Patuloy naman dinidinig ang kasong Physical Injuries at Oral Defamation sa MTC, Caloocan, Branch 49. Gustong malaman ni Flor kung maliban sa kasong kriminal na hinaharap ngayon nila Duran, maari ba niyang habulin ang mga ito para sa mga nagastos niya sa pagpapagamot. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung susuriing mabuti sa away-magkakapit bahay ito nagsimula. May katwiran si Flor na kung gusto magtinda ng ilang residente dapat itong itayo o gawin sa tapat ng kanilang bahay subalit hindi lahat ng mga nakatira dun maiintindihan ang kanyang punto. Marahil pakiramdam ng ilang residente tulad ng Duran, kinakamkam na niya ang lupa at nagrereyna-reynahan siya dun kaya’t pinagbabawal nito ang pagtitinda sa kanyang sinasakupan. Parang mahadera ang dating niya at meron siyang tinatawag na ‘sense of entitlement’ dahil nauna sila sa lugar yun . Sa gustong habuling danyos naman ni Flor, kapag nagsampa naman siya ng kasong kriminal na ‘Physical Injuries’ maari ipaloob na dun ang mga danyos na kanyang hinahabol. ‘Actual exemplary’ at ‘moral damages’ ang ilagay niya kasama na rin ang ‘attorney’s fees’ para sa abogadong kukunin niya. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Ang aming numero 09213263166 (Aicel)/ 09198972854 (Monique)/ 09213784392(Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Lunes-Biyernes.

BAGUMBONG

FLOR

KANYANG

LSQUO

NIYA

SILA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with