GHOST LAKE (17)

Ang mga kabaong na nakalutang sa ere, sa tapat mismo ng munisipyo, ay nagbigay-kilabot sa mga pulis at mamamayan.

Parang mga eroplanong nakahimpil sa hangin ang mga kabaong, walang katinag-tinag.

Kaydami agad nakaisip na kunan ng larawan ang hiwaga. Nagkaluwagan sa digital camera, video cam, at cell phones.

Mas marami ang nagsisipagdasal, natatakot sa posibleng babala ng katapusan ng mundo.

“Hepe, baka mga alien ang nagpapalabas sa mga ‘yan!”

“Sarhento, ang mga ‘yan din ang nagmulto sa akin sa tabing-dagat! Nakita rin ni Bulaong!”  Halatang nababahala ang hepeng tuta ng mayor.

Dumating ang mayor, galit na bumaba sa mamahaling sasakyan.

“Hepe, ano’ng nangyayari?”

“Meyor John, minumulto tayo. Nananakot lang naman, hindi namiminsala.” Nagpapakahinahon ang hepe kahit paano.

“Shit, hepe! Ayoko nito!”

“Meyor John,  ang isipin natin ay kumbakit sila nagmumulto. May kinalaman ba ang—”

“Stop it, you fool!” gigil na sabi ng alkalde, pulampula sa galit. “Baka may makarinig sa iyo!”

Nagtilian-sigawan ang mga tao. “Eeeee! Aaahh!”

Maging ang mga pulis at sina Meyor John ay nanlamig sa takot. Kitang-kita nila ang pagsungaw ng mga babae mula sa mga kabaong.

Pinawisan ng malamig ang mayor at ang hepe.

“Hepe, babarilin na ba namin?” Naghihintay ng utos ang mga pulis.

Tumingin sa meyor ang hepe, nagtatanong ang mga mata.

“Huwag muna, hepe,” pasya ng mayor.

Sinenyasan ng hepe ang mga tauhan. “Huwag muna!”

Pinauwi nila ang mga taong sumasaksi sa hiwaga. “Magkulong kayo sa bahay! Kami ang bahala dito!”

Si Paolo Bulaong ay nakarating agad sa area ng munisipyo. Pinagkukunan niya ng dalang videocam ang mga kabaong.

Kailangan niya ng solidong ebidensiya ng pagmumulto. Pakikinggan siya ng media kapag may matibay na ebidensiya.

“Please, magpakita kayo sa video!  Dapat malaman ng lahat ang pagmumulto ninyo!” pakiusap ni Paolo.  (ITUTULOY)

Show comments