Kapag lowbat ang CP

PAANO nga ba kung brownout at blackout at kailangan mong i-recharge ang iyong cell phone o smart phone? Lowbat na o wala nang power at biglang namatay ang isang pinakamahalagang “laruan”.  Mas mahirap kung nasa isang lugar ka na walang kuryente.

Meron na palang sagot dito ang teknolohiya. Ayon nga kay Doug Gross ng CNN, dalawa sa mga paraan para mapatagal ang buhay ng cell phone sa panahon at pagkakataong walang kuryente ang mga laptop at backup charger. Maaari naman talagang mag-recharge ng baterya ng cell phone sa laptop dahil sa USB port nito. Iyon ay kung ang cell phone at recharger nito ay iyong klase na merong USB device. Pero ngayon ko lang nalaman na meron na rin pala ngayong tinatawag na backup charger.

Inihalimbawa ni Gross na backup charger yaong tinatawag na “juice packs? ” Siguro meron ding mabibili nito sa mga tindahan ng cell phone sa Pilipinas. May kamahalan dahil nagkakahalaga ng mahigit P4,000 ($100) pero malaking bagay at kapaki-pakinabang para maging matagal ang buhay ng isang cell phone at mananatili kang kunektado sa internet.

Marami rin umano sa mga ganitong  backup charger na nagsisilbi ring protective cases para sa smart phone o mobile phone. Meron ding  charger na solar power o iyong naibibilad sa araw para magkaroon ng power.

Iminungkahi rin ni Gross na panatilihing fully-charge ang  baterya ng laptop para lagi itong magagamit sa pagre-recharge ng nag-“lobat” na cell phone.

Dapat ding tingnan ang setting ng cell phone dahil baka merong mga program dito o apps na umaandar kahit hindi ginagamit at ito ay nakakabawas sa power ng baterya ng cell phone.

 

Show comments