Ang ginhawang magbiyahe kahapon sa buong Metro Manila dahil sa maluwag na daan.
Pansamantalang nagliwanag at nakahinga ang mga pangunahing lansangan sa mga nagsisiksikang sasakyan na sa araw-araw ay ating nasusumpungan.
Ito ay dahil sa holiday at ang tanging nagsikip lang na mga daan ay ang mga tapat ng bus terminal at mga papasok sa mga sementeryo na ito ang dinagsa ng marami nating kababayan.
At dahil nga sa holiday, nag-holiday din ang mga gumagawa sa mga konstruksyon sa iba’t ibang kalsada sa Metro Manila. Pwedeng nagsiuwi rin ang mga ito sa kanilang mga lalawigan, pero ang punto ng marami sana raw ay sinamantala na ang paggawa para tapusin o gawin ang mga construction sa ilang kalsada sa Metro Manila, partikular ang mga hukay at lubak.
Sana ay nagkaroon sila ng mga taong pinapasok para gawin ito at para sa pagdagsa na naman ng mga tao sa darating na Lunes ay hindi na ito maging sagabal sa mga daan na pinagmumulan ng matinding trapik.
Kung tutuusin kaya itong gawin, bakit nga kaya hindi gawin ang mga konstruksyon kung holiday o weekend na doon limitado ang mga sasakyan.
Ang siste kasi, talagang gustong sumabay sa maraming sasakyan at saka doon maglalagay ng mga harang dahil sa mga ginagawang repair na isa pa sa nagsasanhi ng masikip na trapik.
Hindi lang ang DPWH ang tinatawagan natin dito, maging ang mga contractor ng Maynilad at Manila Water na kung saan-saan nagsasagawa ng mga hukay.
Kung gaano ang luwag ng trapiko ngayon, balik na naman tayo sa dating gawi pagdating ng Lunes ang kalbaryo ng trapik na naman ang ating mararanasan.
Papetik-petik kasi ang gawa na talagang halatang pinagtatagal kaya talagang walang pagbabago.
Talagang perwisyo.
Happy birthday, Ka Eduardo
Nais ko pong ipaabot sampu ng aking pamilya ang taus-puso naming pagbati kay Ka Eduardo V. Manalo, ang tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong nakalipas na Miyerkules, Oktubre 31.
Dalangin po namin kasama ang lahat ng mga kapatid sa Iglesia na manatili ang malusog ninyong pangangatawan at pag-iingat ng ating Ama sa mga ginagawa po ninyong paglalakbay. Maligaya pong kaarawan.