Walang kuwentang kamatayan

NARANASAN mo na bang bigla ka na lang iisnabin ng isang tao? Mag-iisip ka. Ano kaya ang iyong nagawa o nasabi sa kanya na naging dahilan ng kanyang pang-iisnab?

May sagot diyan ang isang psychologist na kakilala ko. Inggit daw ang dahilan kung bakit bigla kang inisnab ng isang tao kahit walang away na nangyari sa pagitan ninyong dalawa. Hate na hate ng  inggitera halimbawa na makitang may ibinababang bagong gamit ang kanyang kakilala mula sa trak ng department store o tindahan ng furnitures. Estela ang pangalan ng babaeng basta na lang nang-isnab sa akin. Naalaala kong may idiniliber palang bagong sala set sa aming bahay at iyon ang dahilan ng pang-iisnab niya sa akin.

Isang araw, lingid sa kaalaman ng mga kapitbahay ay umatake ang sakit ni Estela. Ang kanyang sakit ay nanga­ngailangan ng agarang atensiyon ng doktor. Masungit ang panahon nang araw na iyon. Mahirap kumuha ng taksi. Kung tutuusin, okey namang makiusap sa mga kapitbahay na may kotse at magpahatid sa ospital. Ang problema, halos lahat ng may kotse sa neighbourhood ay kaaway niya. Isa kami sa kakaunti niyang kasundong kapitbahay pero napahiya sigurong humingi ng tulong dahil inisnab niya ako ilang araw na ang nakakalipas.

Tumagal pa ng ilang oras bago siya naisugod sa ospital dahil pinanindigan niyang kumuha ng taksi at huwag humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Buong magdamag siyang ginamot ngunit kinabukasan ng umaga ay tuluyan na siyang pumanaw. Kung napaaga raw ang pagdadala kay Estela sa ospital, baka may nagawa pang paraan ang mga doktor. Napailing na lang ako nang malaman ko ang buong pangyayari. Kung tutuusin, hindi sakit ang pumatay kay Estela kundi pride at inggit.

Envy is the art of counting the other fellow’s blessings instead of your own.  ~Harold Coffin

 

Show comments