Marcoleta, Defensor, inaresto sa plunder

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad sina Senador Rodante Maecoleta, dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Varias Espiritu sa kasong plunder habang nanatiling at large pa habang ginagawa ang balitang ito ang negosyanteng si Aristotle Baluyut Viray.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pag-aresto kay Marcoleta ay kasunod nang paglabas ng warrant of arrest ng Sandiganbayan Third Division.

Kaugnay ito ng umano’y hindi pagdeklara ng senador ng P75 mil­yong campaign donations sa 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa panahon ng pangangampanya.

Iginiit naman ni Phi­lippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na inaresto si Marcoleta at hindi ito boluntaryong sumuko matapos sabihin ng abogado nito na si Atty.Patrick Velez, na kusang sumuko ang senador dahil nasa Sandiganbayan na ito bilang “act of good faith”.

Sinabi rin ni Nartatez na sa halip sa Sandiganbayan dalhin si Marcoleta ay sa Philippine National Police (PNP) General Hospital ito idinala para sa medical evaluation nang dumaing ito ng pananakit ng dibdib at mataas ang blood pressure.

Kinumpirma rin niyang wala pang commitment order kay Marcoleta sa ngayon, habang hinihintay pa ang resulta ng medical evaluation nito.

Naaresto rin ng CIDG sina Defensor at Espiritu habang nag-uusap sa isang coffee shop sa Quezon City at dinala sa Sandiganbayan para isauli ang warrant of arrest.

Matapos ito, ineskortan ang dalawa patungo sa tanggapan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para sa booking process at alas-3:46 ng hapon nang ilipat sa Quezon City Jail sina Defensor at Espiritu.

Ang pag-aresto kina Marcoleta,Defensor at Espiritu ay may kaugnayan sa non-bailable plunder charges dahil sa hindi pagsasapubliko sa P75 mil­yong campaign donations.             Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, ang isang opisyal ng gob­yerno ay maaring sampahan ng kaso kung mapapatunayang nagkamal ng hindi bababa sa P50 milyong ill-gotten wealth.

Si Marcoleta ang ika­lawang senador na nahaharap sa kasong plunder kung saan nauna sa kanya si Senator Jinggoy Estrada na may kaugnayan naman sa diumano’y maanomalyang flood control projects. — Doris Franche-Borja, Malou Escudero

Show comments