Mas mataas na sahod ng bumbero, ipinanawagan
MANILA, Philippines — Kasabay sa paggunita ng Fire Prevention Month ngayong Marso, nanawagan ang TRABAHO Party-list para sa mas maayos na kondisyon ng pagtatrabaho at mas mataas na sahod para sa mga bumbero sa buong bansa.
Binigyang-diin ng grupo ang panganib na kinakaharap ng mga bumbero araw-araw at ang mahalagang papel na ginagampanan nila sa kaligtasan ng publiko.
Ayon kay TRABAHO Party-list spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, kailangang itaas ang sahod at benepisyo ng mga bumbero sa Pilipinas. Aniya, bagaman mahalaga ang kanilang tungkulin sa pagsagip ng buhay at ari-arian, hindi sapat ang kanilang kasalukuyang kita upang mapunan ang pisikal at emosyonal na bigat ng kanilang trabaho.
Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa humigit-kumulang P29,000 kada buwan ang sweldo ng isang bumbero, isang halagang itinuturing ni Atty. Espiritu na hindi sapat lalo na sa delikadong kalikasan ng kanilang trabaho.
Dahil dito, isinusulong ng naturang party-list ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan upang itaas ang basic pay ng mga bumbero at magbigay ng mas mataas na allowance para sa mga hazard-related duties.
- Latest