BAGONG taon, bagong buhay. Ito ang karaniwang sinasambit natin kapag dumarating ang isang bagong taon. Darating na ang 2025, ano kaya ang mga pagbabagong aasahan natin? Maganda ba o pangit?
Lalong lalala ang trapiko. Pangit ‘yan. Lalong tataas ang halaga ng mga bilihin. Pangit pa rin ‘yan. Lalong lalaganap ang katiwalian. Mas pangit ‘yan. May mga basihan ang mga pagkatakot na ito dahil sa lumalalang trapiko, halaga ng bilihin at katiwalian.
Pero may magaganda rin namang maaaring mangyari sa darating na taon. Bawat bagong taon ay may dalang bagong pag-asa. ‘Yan na lamang ang nasa atin, ang pag-asa. Kapag nawala pa sa atin ang pag-asa ay hindi lamang sa kangkungan ng kasaysayan tayo pupulutin, kundi sa putikan ng kasaysayan.
Gusto kong salubungin ang 2025 na punumpuno ng pag-asa.
Gusto kong umasa na magkakasundo ang ating Presidente at Bise Presidente alang-alang sa kinabukasan ng Pilipinas.
Gusto kong umasa na may mangyayari sa mga pagdinig na ginawa ng Kongreso sa pamamagitan ng pagpapatibay ng napapanahong mga batas at pagsasampa ng mga kaso sa mga nagkasala sa lipunan.
Gusto kong umasa na titigil na ang China sa pambu-bully sa West Philippine Sea.
Gusto kong umasa na magsasawa na sa pagnanakaw ang mga tiwali sa gobyerno.
May kasabihan sa English na, “Hoping against hope.” Kapag tayo’y umaasa sa pag-asa, wala na tayong pag-asa. Pero nais kong ang aking pag-asa’y mauuwi sa katotohanan para ang 2025 ay maging taon ng bagong pag-asa.
Nakaahon na sa kahirapan at patuloy na sa pag-unlad ang mga kapitbahay natin sa Asya na katulad ng Vietnam at Cambodia. Naiiwan na tayo maging ng dalawang bansang ito. Ang Vietnam, halimbawa, na natuto lamang sa atin sa produksiyon ng bigas, ay pangunahin na ngayong pinag-aangkatan natin ng bigas.
Umaasa ako na sa bagong taong ito’y matututo tayo ng disiplina na nawawala sa atin bilang isang bansa. Mahirap tayo sa larangan ng kabuhayan, pero ang malungkot, lalo tayong mahirap sa larangan ng disiplina. Nadadaig tayo ng ating mga kapitbahay sa Asya, hindi dahil sa mas matalino sa atin ang kanilang mga mamamayan at hindi dahil sa mas sagana sila sa likas-yaman, kundi mas madisiplina sila kaysa sa atin.
Umaasa rin ako na matututo tayong magmahal sa ating bansa, na bubuhayin natin ang diwa ng bayanihan—bayan muna bago ang sarili.
Sabi ng 18th century English poet na si Alexander Poe, “Ang pag-asa’y bumabalong sa puso ng bawat tao.” Sapagkat bumabalong, hindi ito kayang tuyuin ng kabiguan, kahirapan, at katiwalian.
Umaasa ako na hindi lamang malalakas na ulan ang bubuhos sa atin sa 2025, kundi bubuhos rin sa atin ang pag-asa.
Higit sa lahat, ang malalim na pananampalataya natin sa Diyos ang mag-aahon sa atin sa kawalang-pag-asa. Sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa Diyos at pagtitiwala natin sa isa’t isa, makakaranas tayo ng makabuluhang pagbabago sa 2025.
At masasabi natin na masarap pa ring maging isang Pilipinong naninirahan sa Pilipinas. Masarap pa rin na sa sarili nating bansa matutupad natin ang ating mga pangarap.
Manigong Bagong Taon sa lahat!