MANILA, Philippines — Tuloy ang kandidatura sa pagka-senador ng nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy matapos na ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na naglalayong idiskwalipika ito sa May 2025 midterm elections.
Sa 14-pahinang desisyon ng Comelec First Division na inilabas nitong Disyembre 20, nabigo ang petitioner na si labor leader Sonny Matula na magbigay ng sapat na ebidensya para kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ng nakakulong na religious leader.
Nakasaad pa sa desisyon ang-- “Even if this Commission (First Division) were to apply the rules on liberality and decide based on the merits of this Petition, the grounds relied upon by the Petitioner for the disqualification of Respondent and the cancellation of his COC are incorrect and without factual and legal basis.”
Saad din na may procedural lapses sa paghahain ng petisyon, na nagbibigay-diin na ang isang petisyon para ideklara ang isang kandidato bilang isang “nuisance” ay hindi maaaring pagsamahin sa iba pang mga batayan para sa isang hiwalay na remedyo.
Nangatuwiran si Matula na ang nominasyon ni Quiboloy ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka ay hindi wasto dahil sa hindi awtorisadong pagpirma ng kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Nagpasiya ang Comelec na walang “material misrepresentation” sa ilalim ng election laws.
Nabatid na ang CONA ng nakakulong na religious leader ay binawi noong Oktubre 21, at piniling tumakbo bilang isang independent senatorial candidate.