MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Quezon City court ang apat katao kabilang ang mag-ina na nahuling nagbebenta ng sanggol sa social media.
Kaya nagbabala si National Bureau of Investigation Director (Ret.) Judge Jaime Santiago sa mga taong lalabag sa mga kasong may kaugnayan sa human trafficking na matutunton din sila at uusigin.
Ayon kay Santiago, nahatulang guilty ang apat na katao sa kaso ng nag-trend online noong Marso 2022 ang pakiusap ng mga magulang na ibalik ang kanilang 8-buwang sanggol.
Nabawi ang sanggol mula sa inarestong Pinay at Nigerian national sa Sta. Cruz, Laguna, sa operasyon ng NBI-Human Trafficking Division at Mayo 2022 nang arestuhin sa pamamagitan ng warrant of arrest ang mismong ina ng sanggol at ang “middleman”.
Ito’y matapos madiskubre ang pagbebenta ng ina sa nakilalang middleman sa Facebook sa halagang P45,000.00 noong Marso 3, 2022 sa isang meet-up sa isang food chain sa Quezon City.
Isinampa laban sa apat ang mga kasong Kidnapping, RA 7610 (Special Protection Against Children Abuse, Exploitation and Discrimination) at RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).