Operation ng LRT, MRT pinalawig sa holiday rush

This photo shows an inside a coach of MRT-3 with Christmas decorations.
Ian Laqui/Philstar.com

MANILA, Philippines — Dahil sa inaasahang holiday rush ay pinalawig ang operasyon ng mga train sa Metro Manila mula Disyembre 16 hanggang 23. Gayunman, nilinaw ng Department of Transportation na ang pagpapalawig ng mga operasyon ng tren hanggang hatinggabi gaya ng iminungkahi ng ilang grupo ay mangangahulugan ng mas kaunting oras para sa maintenance para sa kaligtasan sa panahon peak season.

Ang mga sumusunod na iskedyul ng train para sa Disyembre 16 hanggang 23 ay inanunsyo ni Transportation Undersecretary Jeremy Regino.

Ang huling biyahe ng Light Rail Transit Line 1 mula Dr. Santos Avenue Station (Parañaque): 10:30 ng gabi. Habang 10:45 ng gabi naman ang last trip mula Fernando Poe Jr. Station (Quezon City).

Alas-9:30 ng gabi naman ang last trip o huling biyahe mula Antipolo Station at 10 ng gabi mula Recto Station, Manila.

Sa Metro Rail Transit 3, ang last trip mula North Avenue Station (Quezon City) ay 10:34 ng gabi. Ang huling biyahe naman mula Taft Avenue, Pasay ay 11 ng gabi.

Sinabi ni Regino na ang pagkakaroon ng huling biyahe sa hatinggabi ay mag-iiwan sa mga train maintenance workers ng masyadong kaunting oras upang magsagawa ng mga pagsusuri sa mga tren at linya, na nangangailangan ng pagsasara ng buong linya ng kur­yente, bago magsimula ang mga operasyon sa alas-4:30 ng umaga.

Kailangan aniyang suriin ng mga train workers ang mga kable ng kur­yente kung may sira, ang mga riles para sa debris at maluwag na bolts, gayundin ang mga bagon.

Show comments