MANILA, Philippines — Pinag-iingat na ng Philippine National Police-Civil Security Group ang publiko sa paggamit ng mga illegal na paputok o pailaw na gagamitin sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP CSG Director, Police Maj. Gen. Leo Francisco, layon nilang maging ligtas ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon kaya nagsisimula na silang mag-inspeksiyon sa mga tindahan ng paputok.
Personal na binisita ni Francisco ang isang pagawaan ng paputok sa Brgy. Sampaloc sa bayan ng San Rafael sa Bulacan upang masiguro na sumusunod ito sa regulasyon.
Sinabi ni Francisco na hindi biro ang posibleng aksidente at epekto ng pagsabog ng mga pabrika ng paputok kaya kailangan na pinaaalalahanan at iniinspeksiyon ang mga ito.
Nabatid kay Francisco na puspusan na ang paggawa ng mga firecrackers at mga pailaw kung saan inaasahan ding dadagsain ng mga mamimili.
Paalala ni Francisco sa publiko siguraduhin na may permit at legal ang kanilang bibilhan ng mga paputok upang maiwasan ang disgrasya.