MANILA, Philippines — Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa imbestigasyon sa kung paano nakalabas ng bansa si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, bukas naman sila sa pagbibigay ng investigative assistance kung hihingin ito sa kanila.
Sa ngayon aniya, wala pang ibang ahensiya ng pamahalaan ang humihingi ng kanilang assistance.
Magugunitang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) at mismong ni Roque na nagpunta siya sa Abu Dhabi kung saan, doon siya naghain ng counter-affidavit sa kasong Qualified Human Trafficking na isinampa laban sa kaniya.
Habang ikinakasa naman ng Bureau of Immigration (BI) ang karagdagang kaso na isasampa nila laban kay Roque dahil sa iligal nitong pagpuslit palabas ng bansa.