MANILA, Philippines — Magpapakalat ang pamunuan ng National Capital Police Office (NCRPO) ng nasa 8,000 pulis sa mga strategic na lugar sa Metro Manila dahil inaasahan ang dagsa ng mga tao sa mga transport terminal, pamilihan at mga simbahan ngayong Kapaskuhan.
Ito ang tiniyak ni NCRPO chief PBGen. Anthony A. Aberin dahil sa kadalasang umaatake ang mga kriminal tuwing holiday season kung saan marami ang abala sa pamimili.
Ayon kay Aberin, maglalagay din sila ng mga “Able, Active, and Allied” police sa mga police assistance desk upang agad na maayudahan at marespondehan ang sinumang nangangailangan ng tulong.
Payo ni Aberin sa publiko, agad na makipag-ugnayan sa mga pulis at ibigay ang tiwala sa kanila.
Aniya, maging ang mga force multipliers ay magiging katuwang ng mga pulis sa pagbibigay seguridad ngayong Kapaskuhan.
Kasabay nito, hinimok ni Aberin ang publiko na manatiling mapagbantay, lalo na sa mga matataong lugar, at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga otoridad.