Congw. Quimbo nagsagawa ng libreng bakuna sa mga Marikenyo
MANILA, Philippines — Nabigyan ng libreng bakuna kontra trangkaso sa ilalim ng BaQuna Caravan Program ang libong residente ng Marikina na inisyatibo ni Congresswoman “Teacher” Stella Quimbo na layong palakasin ang kalusugan sa komunidad.
Ang naturang programa ay bahagi ng mga hakbang ni Marikina 2nd District Representative Quimbo para sa mas abot-kayang serbisyong medikal sa lungsod. Ayon kay Quimbo, ang Anti-Flu Vaccine, na karaniwang nagkakahalaga ng P1,000 hanggang P1,800 sa merkado, ay naipamahagi nang libre upang bigyan ng proteksyon ang mas maraming pamilyang Marikenyo laban sa mga karamdaman.
“Sa mga barangay isinagawa ang pagbabakuna upang mas maging madali para sa ating mga kababayan na ma-access ito,” ani Quimbo.
“Ang kalusugan ng bawat pamilyang Marikenyo ang aming prayoridad. Sisiguraduhin naming ang serbisyong medikal ay libre at abot-kamay para sa lahat.”
Patuloy na mag-iikot ang BaQuna Caravan sa iba’t ibang lugar sa Marikina, na naglalayong maabot ang mas marami pang residente.
Para sa karagdagang impormasyon at iskedyul ng BaQuna Caravan, maaaring makipag-ugnayan ang mga interesadong residente sa tanggapan ni Congresswoman Quimbo.
- Latest