Chiz sa kasamahang senador: ‘Wag magkomento sa impeachment complaint

MANILA, Philippines — “Iwasan ang magbigay ng komento sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.”

Ito ang naging paalala ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga kasamahang senador dahil ang paghahain at pag-endorso ng impeachment complaint sa House of Representatives ay tanda ng simula ng prose­song nakasaad sa ating Saligang Batas upang matiyak ang pananagutan sa ating mga matataas na opisyal ng publiko.

Ipinunto ni Escudero na anumang bias o opinyon na magmumula sa mga senador ay makakasira sa impeachment trial dahil ang Senado ang magsisilbing impeachment court.

Bagama’t madalas ­aniya na inilarawan ang impeachment bilang isang pampulitikang ehersisyo, pero dapat ang mga mi­yembro ng Senado ay  walang kinikilingan.

Base na rin aniya sa mga naunang paglilitis sa impeachment, kalimitan ay nahahati ang opinyon ng publiko.

Tiniyak ni Escudero na nakahanda ang Senado na tuparin ang mandato ng konstitusyon nito nang may integridad at walang kinikilingan habang itinataguyod ang pambansang interes.

Show comments