MANILA, Philippines — “Walang record ng kapanganakan ng isang Mary Grace Piattos na umano’y benepisyaryo ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).”
Ito ang kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na “Mary Grace Piattos,” ang umano’y nakatala sa acknowledgment receipts na naisumite sa Commission on Audit (COA) noong 2022.
Ang pahayag ay ginawa ng PSA nang hingin ng mga mambabatas sa ahensiya ang pagkakakilanlan ni Mary Grace Piattos, pero wala itong kahit anong record sa kanilang database maging para sa individual’s birth, marriage at death record.
Ayon sa PSA, gagawan ng paraan na makakuha ng anumang impormasyon sa civil registry kung sila ay nakatanggap ng impormasyon ng mga magulang ng isang Mary Grace Piattos.
Magugunitang sa pagdinig sa Kamara, isang special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP) cang nagsabing ang apelyidong Piattos ay mula sa Davao City.
Ang pagkuha ng mga mambabatas sa pagkakakilanlan ng isang Mary Grace Piattos ay bahagi ng imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa umano’y maanomalyang paggasta ng pondo ng pamahalaan ng Office of the Vice President.