Ginamit nang walang paalam…
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang 53-anyos na lalaki nang saksakin ng kanyang nakakabatang kapatid na nagalit dahil sa ginamit ang kanyang bluetooth speaker na walang paalam, naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Mulawin, Tanza, Cavite.
Ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa katawan ay kinilalang si Michael Verde Flor Bustillos, residente ng Brgy. Amaya 6 habang ang suspek ay kapatid nitong si Eugene, 49 residente rin ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:00 ng gabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid hinggil sa paggamit ng biktima ng walang paalam sa bluetooth speaker ng suspek.
Sa gitna nang mainitang pagtatalo ay kumuha ng patalim ang suspek at inundayan ng mga saksak ang kaniyang kuya.
Naitakbo pa sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival habang ang suspek ay naaresto at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.