Comelec ‘pikon’ na kay Erice kaya diniskwalipika

MANILA, Philippines — Mistulang ‘pikon’ na kay dating Caloocan City 2nd District Congressman Egay Erice ang Commission on Elections (Comelec) kaya diniskuwalipika ito na tumakbo sa 2025 midterm elections.

Sinabi ni Erice na ang diskuwalipikasyon na inilabas ni Comelec Chairman George Garcia laban sa kanya nitong Miyerkules ng hapon ay bunsod ng galit nito dahil sa walang tigil niyang pagkuwestiyon sa kontrata at paggamit ng makina ng Miru.

Aniya, dahilan ng Comelec sa kanyang diskuwalipikasyon ay ang panggugulo sa eleksiyon at pag-impluwensiya sa mga botante na mawalan ng tiwala sa ahensiya.

Kasama ang kanyang legal counsel na si Atty.Rolando Asuncion, sinabi ni Erice na wala siyang ginagawang gulo at pag-iimpluwensiya sa mga botante dahil sa wala pang nagaganap na halalan.

Nagtataka si Erice kung bakit patuloy ang pagtatanggol ni Garcia sa Miru gayong sablay ang mga nais nitong ipatupad at hindi maipaliwanag ang bagong sistema ng makina.

Lumitaw na posible ring bahagi ng kanyang diskuwalipikasyon ang ugnayan umano ni Garcia kay Cong. Mitch Cajayon na kanyang makakalaban sa pagkakongresista.

Maghahain ng motion for reconsideration si Erice at tiniyak na hindi siya titigil na kuwestiyunin ang ano­malya ng Comelec.

Show comments