MANILA, Philippines — Nanindigan si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na dapat madagdagan ang pondong ilalaan para sa Mindanao Development Authority (MinDA) at kailangang din na maipagpatuloy ang budget support sa Southern Philippines Development Authority (SPDA) para palakasin ang hakbang na pagpapaunlad sa ekonomiya ng Mindanao.
Ayon kay Dela Rosa, ang mga nabanggit na ahensiya ay naatasan para tutukan ang socio-economic progress ng itinuturing na major island in the south ng bansa.
Sa pagpupursige ng Mindanaoan lawmaker, na siya ring namumuno sa Senate finance subcommittee, ay dinagdagan nito ng P67 million ang badyet ng MinDA para makapagpatupad ng mas marami pang programa at tiyaking maipagpapatuloy ang kaunlaran ng rehiyon.
Ang nasabing P67 million budget increase ay gagamitin sa MinDA Digitalization Innovations Program, gayundin sa implementasyon ng Mindanao River Basin Program, at ng tinatawag na Strengthening of the Indigenous Peoples in Mindanao Program Year 2.
Ayon kay Dela Rosa, kinakailangan ang patuloy na research para sa Mindanao River Basin Program, na sakop ang walong river basins sa loob ng island region at ito’y may kaugnayan sa kabuhayan ng nasa 4.5 milyon katao na naninirahan malapit sa mga ito.
Nabatid na para sa susunod na taon, ang Senado ay inaprubahan ang P334.515 million budget para sa MinDA sa ilalim ng bersyon nito ng General Appropriations Bill (GAB).