‘Alitan’ nina Pangulong Marcos, VP Sara: ‘No need for loyalty check’ - AFP

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) na hindi kinakailangan ng loyalty check sa mga ranggo ito sa gitna ng umiiral na “alitan” sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Sa isang press ­briefing sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, inulit ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang pahayag ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nananati­ling tapat ang militar sa Konstitusyon at sa Chain of Command.

Nanawagan si AFP chief of staff Brawner nitong Lunes sa mga sundalo na manatiling tapat sa Konstitusyon sa gitna ng alitan sa pagitan ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.

“We just have to remind ourselves of the vow, ‘yung panata na ginawa po natin nung tayo ay bagong pasok lamang sa serbisyo and up to now,” ayon sa military chief sa seremonya sa Camp Aguinaldo.

Nang kunan ng komento hinggil sa panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa military intervention “to protect the Constitution” sa gitna ng inilarawan niyang “fractured” govern­ment, sinabi ni Padilla na: “The AFP acts as a barometer in all these issues. As our chief of staff has already stated, our AFP is united and professional. We respectfully request that we are shunned away from political issues”.

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na makasariling motibo ang panawagan ng dating pangulo na pabagsakin ang kasalukuyang presidente para maging kapalit ang kanyang anak na babae.

Panawagan ni Bersamin sa dating pangulo na igalang ang konstitusyon at hindi ito labagin at itigil ang pagiging ires­ponsable tulad ng kanyang ipinapakita.

Nakakagulat din aniya ang garapalang panawagan ni dating pangulong Duterte sa sandatahang lakas na maglunsad ng kudeta laban ka Pa­ngulong Marcos.

Show comments