MANILA, Philippines — Kinondena ng mga opisyal ng Eastern Visayas si Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga birada nito kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinangunahan nina Leyte Rep. Anna Victoria Veloso-Tuazon, Biliran Rep. Gerardo Espina Jr. at Samar Representatives Reynolds Michael Tan at Stephen James Tan ang 45 opisyal ng Eastern Visayas ang paglalabas ng Joint Manifesto of Indignation kung saan kanilang sinabi na ang inasal at mga pahayag ni Duterte ay insulto sa mga Waray at kanilang mga lider.
Tinuligsa ni Duterte si Romualdez, isang Waray at pinsan ni Marcos, sa gitna ng imbestigasyon ng Kamara de Representantes sa umano’y maling paggastos sa confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na may kabuuang halagang P612.5 milyon.
Sinabi ni Duterte na mayroon itong kinausap upang patayin si Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos at Romualdez.
“Vice President Duterte’s unfounded allegations also insult the Romualdez legacy, which extends to President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., who shares Waray blood through his mother, former First Lady Imelda Romualdez Marcos,” sabi sa pahayag.
Iginiit din sa pahayag na ang iresponsableng pahayag ni Duterte ay sumisira sa pagkakaisa ng administrasyon at nagpapaguho sa tiwala ng mga Pilipino sa panahon kung kailan kailangan ang pagkakaisa at kooperasyon.
Naglabas din ng manifesto ng pagsuporta kay Romualdez ang pitong mayor ng unang distrito ng Leyte at tahasang tinuligsa ang walang basehan at malisyosong akusasyon ni Duterte.
Pinuri rin nila ang Speaker sa kanyang pagsusulong sa paglilingkod sa bayan, at kinilala ang kanyang trabaho na kilala sa “diligence, transparency, and unwavering dedication to the greater good of the nation.”