MANILA, Philippines — Sinilbihan kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena si Vice President Sara Duterte upang ipaliwanag ang umano’y banta nitong ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sinabi niyang “does not constitute an active threat.”
Natanggap ng opisina ni Duterte sa Mandaluyong ang subpoena mula sa NBI special task force.
Inatasan siyang magtungo sa NBI headquarters sa Biyernes upang ipaliwanag ang kanyang weekend press conference kung saan sinabi niyang ipinag-utos niyang ipapatay sina Marcos, Speaker Martin Romualdez, at First Lady Liza Araneta-Marcos sakaling magtagumpay ang umano’y planong paslangin siya.
Hiniling ng NBI sa Facebook na huwag burahin ang video ng press conference ni Duterte upang magamit itong ebidensya.
Hindi naman nagbigay ng komento si Duterte sa subpoena ng NBI hangga’t hindi pa nababasa ang nilalaman.
Kahapon ay nananatiling nasa Veterans Memorial Medical Center si Duterte kung saan naka-confine sa ospital ang dalawang tauhan nito na ang isa ay si Atty. Zuleika Lopez, chief of Staff ng Office of the Vice President.