MANILA, Philippines — Nauwi sa ilang oras na standoff ang pagsisilbi ng kautusan ng Blue Ribbon panel nitong Biyernes bago maghatinggabi para ilipat ng detention sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City si Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff (COS) ni Vice President Sara Duterte na nasa detention facility ng Kamara de Representantes matapos patawan ng “contempt”.
Ang kautusan para sa transfer ni Lopez sa Women’s Correctional mula sa Kamara ay binasa ni Legislatavie Security Bureau Executive Director at ret. AFP Captain Belinda “Belle“ Bello dakong alas-11:30 ng gabi ng Biyernes makaraang aprubahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua nitong Biyernes.
Ang hakbang ay matapos namang tila mag-kampo na si VP Duterte sa Kamara na nananatili sa opisina ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at bantay sa detention facility ng kanyang COS na si Lopez.
Agad na inatasan ni Chua si House Sergeant at Arms chief P/ret. Gen. Napoleon Taas na ipatupad ang order gayunman habang isinisilbi o binabasa ang kautusan kay Lopez ay tinangkang pigilan ni VP Sara na sinabing siya ang “abogado” ng na-contempt niyang COS.
Si Lopez ay nakulong sa detention cell ng Kamara simula pa noong Miyerkules ng gabi (Nobyembre 20) matapos ma-contempt dahil sa misenterpretasyon at pagtangging sagutin ang katanungan ng mga mambabatas hinggil sa umano’y irregularidad sa paggasta ng P500 milyong pondo ng OVP at ang P112.5 milyon sa Department Education na dati ring hinawakan ni VP Sara.
Tinutulan ni Lopez ang nasabing kautusan na iginiit na hindi siya aalis sa kaniyang detention room dahil hindi naman umano siya akusado para ilipat sa jail facility at ito’y kaniyang karapatan.
Napasugod naman si VP Sara nang malaman ang pagsisilbi ng transfer order sa nagpapanik at umiiyak na si Lopez at sinabi na siya ang “abogado” ni Lopez kaya nagkaroon ng ilang oras na standoff sanhi upang maging emosyunal ang huli.
Gayunman, habang pinagtatalunan ang order ay biglang hinimatay at nagsuka si Lopez bunsod upang mabilis na isinugod alas-3 ng madaling araw sa Veterans Memorial Medical Center saka inilipat sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City na nag-hysteria at sinamahan pa rin siya ni VP Sara.
Samantala, inihayag ni Taas na base sa report ng mga doktor ay nasa stable nang kondisyon si Lopez.