MANILA, Philippines — Isang hindi pa nakikilalang lalaki na umano ay isang Chinese ang natagpuang patay sa loob ng isang kotse na nakaparada sa kahabaan ng Padre Algue Street sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, na namatay dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa sketchy report ng Manila Police District (MPD) - Tondo Police Station 2, alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa driver seat ng kulay gray na Toyota Avanza sa may P. Algue corner Abad Santos, sa Tondo.
Nauna rito, nakita ng testigong si Victor Corrales, 61, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ang nakaparadang Toyota Avanza na may plate number CBM 4247.
Pinuntahan umano ni Corrales ang sasakyan para paalisin sana ang driver na nakaparke sa lugar.
Gayunman, nang silipin ang loob nito ay nakita ang duguang driver na wala ng buhay sa driver seat kaya kaagad na ipinaalam sa Algue Police Community Precinct (PCP).