‘Tabang Bikol, Tindog Oragon’ relief effort inilunsad ng Kamara

MANILA, Philippines — Halos P750 milyong halaga ng financial assistance at 24 trak na puno ng relief goods ang ipamimigay sa mahigit 150,000 benepisyaryo sa Bicol region na sinalanta ng magkakasunod na bagyo at super typhoon Pepito sa inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., katuwang ang Kamara de Representantes sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Social Welfare Sec. Rex Gatchalian, ang Tabang Bikol, Tindog Oragon relief initiative.

Ang programa kung saan si Speaker Romualdez ang pangunahing tagapagtayugod, ay naglalayong suportahan ang mga nasalantang komunidad sa Camarines Norte, Camarines Sur at Albay upang agad na makabangon mula sa hagupit ng bagyong Kristine, Carina, at Pepito.

“Ito ang direktiba ng ating mahal na Pangulong Marcos, ang tulungan ang mga nasalanta ng bagyo sa Bicol. This initiative is our way of showing that we stand shoulder-to-shoulder with our kababayans in Bicol during these challenging times,” ani Speaker Romualdez.

“Ang Tabang Bikol ay hindi lamang tulong pinansyal; ito’y simbolo ng malasakit at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa ng lider ng mahigit 300 kinatawan ng Kamara.

Ang  Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pamamahagi ng financial aid sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) program nito simula ngayong Lunes, Nobyembre 18.

 

Show comments