3 kidnaper ng American vlogger napatay

The photo shows Elliot Onil Eastman, the American kidnapping victim.
STAR / File

MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad sa engkuwentro ang tatlong suspek sa pagdukot sa American vlogger na si Elliot Eastman sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay, kamakalawa ng madaling araw.

Ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9), isinagawa ang joint ope­ration ng pulis at militar bandang alas-5:00 ng madaling araw nang makasagupa ang sampung suspek na kung saan ay nasawi ang tatlo na kinilalang sina Mursid Ahod; Abdul Sahibad; at Fahad Sahibad.

Lumilitaw na sangkot din si Ahod sa mga kaso ng kidnap-for-ransom, extortion, theft at maging sa Kabasalan Massacre noong 2015 at 2016.

Sa record naman ng militar, sina Sahibad at Fahad ay kapwa miyembro ng kidnap-for-ransom group sa Zamboanga ­Peninsula.

Naisampa na ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa anim na suspek sa pagkidnap kay Eastman kung saan tatlo ang nasa kustodiya na ng pulisya.

Matatandaang dinukot si Eastman ng apat na armadong kalalakihan sa bahay ng kanyang mga biyenan sa bayan ng Sibuco noong Oktubre 17 at dito ay binaril ng mga suspek ang biktima nang magtangkang tumakas.

Wala namang natatanggap na ransom demand o proof of life ang pamilya ni Eastman si­mula nang ito ay dukutin.

Show comments