MANILA, Philippines — Napanatili ng bagyong Ofel ang kanyang lakas habang kumikilos sa may kanluran hilagang kanluran ng Philippine sea na namataan ng PAGASA sa layong 485 kilometro ng silangan hilagang silangan ng Daet, Camarines Norte taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 150 kilometro bawat oras.
Nakataas ang Signal number 2 ng bagyo sa eastern portion ng mainland Cagayan (Baggao, Peñablanca, Gattaran, Gonzaga, Lal-Lo, Santa Ana) at sa eastern portion ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan).
Signal number 1 sa Batanes, Babuyan Islands, nalalabing bahagi ng mainland Cagayan, nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, eastern portion ng Ifugao (Alfonso Lista, Aguinaldo, Banaue, Mayoyao, Hingyon, Hungduan) Ilocos Norte, at northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran).
Si Ofel ay inaasahang kikilos pakanluran hilagang kanluran papuntang hilagang kanluran ng Philippine Sea bago ito mag-landfall sa eastern coast ng Cagayan o Isabela ngayong araw.
Habang nananalasa si Ofel sa bansa, isa pang weather disturbance ang nagbabantang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw at sa oras na pumasok ito ay tatawaging bagyong Pepito.