Pondo ng NTF-ELCAC, pinadagdagan ni Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — “Mula sa P2.5 milyon ay gagawin na itong P7.5 milyon kada barangay.”

Ito ang sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya nang dagdagan ni Pa­ngulong Ferdinand Marcos Jr. ang pondo para sa Barangay Development Fund na nasa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nabatid na nasa P4.32 bilyon ang additional budget na inilaan ni Pa­ngulong Marcos kung saan nasa 864 na barangay ang makikinabang dito.

Paliwanag ni Malaya, hindi masaya ang pangulo sa orihinal na P2.5-M kada barangay na pondo na nasa 2024 General Appropriations Act (GAA) kaya inatasan niya ang Department of Budget and Management (DBM) na maglaan ng karagdagang pondo ngayong 2024.

Dahil ang P2.5 milyon ay magkakaroon aniya ng impact pagdating sa development kaya ipinag-utos ng pangulo ang pagdadagdag dito.

Nilinaw naman ni Malaya na ang karagdagang pondo ay manggagaling sa unprogrammed funds ng National Treasury.

Suportado naman aniya ni Pangulong Marcos ang panukala na taasan pa ang pondo at gawing P10 milyon sa kada barangay para sa taong 2025.

Umaasa ang pangulo na titiyakin ng kongreso na  kasama na sa pinal na bersyon ng 2025 GAA ang nasabing halaga.

Show comments