P10 milyong ‘high grade marijuana’ nasabat sa NAIA

Binibilang ng mga ahente ng Bureau of Customs, PDEA at Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang nasabat na parcel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Estados Unidos na naglalaman ng kush o high grade marijuana na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Rudy Santos

MANILA, Philippines — Nasa P10 milyong halaga ng high-grade marijuana o kush ang nasabat ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA), kama­kalawa ng umaga sa Parañaque City.

Ayon kay PNP-DEG Director PBGen. Eleazar P Matta, naharang ang kargamento, alas-11:30 ng umaga ng mga tauhan na nakatalaga kasama ang NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at Intelligence Foreign and Liaison Division (IFLD).

Sa pagsisiyasat na galing sa isang kompanya ng tsaa sa Ohio, USA ang parcel at naka-consign sa address sa Parañaque City.

Nang suriin, nakita ang dalawang parcel na may label na “Jasmine Pearls Green Tea” at “Herbal Teas” na tumitimbang ng 7,154 grams at nagkakahalaga ng P10,015,600.00.

Sinabi ni Matta na ang pagkakasamsam ng mga illegal drugs ay bunsod ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban dito.

Agad na dinala sa PDEA Laboratory Service ang mga ebidensiya.

Show comments