MANILA, Philippines — Anim na bigtime drug dealer ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad at nakumpiska ang nasa P15,841,000.00 milyon halaga ng iba’t ibang klase ng droga na nakumpiska ng mga operatiba ng Quezon City, kamakalawa.
Sa ulat ni PMaj. Wennie Ann Cale, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na ang unang operasyon ay nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Arlene Ann Goco, 36, ng Brgy. Plainview, Mandaluyong City; Lia Lauren Llige, 42, ng Brgy. Batis, San Juan City; Daryl Sarona, 26, ng Brgy. Batasan Hills, QC; at Jerome Palacios, 49, ng Pateros, Metro Manila.
Ayon sa ulat, nagsagawa ang mga operatiba ng DDEU, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA-NCR, ng buy-bust operation matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen hinggil sa aktibidad ng mga suspek na may kinalaman sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at bumili ng P50,000.00 halaga ng high-grade marijuana mula kay Goco.
Pagkatapos ng transaksyon, inaresto agad sina Goco at ang tatlo niyang kasamahan ala- 1:30 ng hapon ng Nobyembre 5, 2024 sa No. 786, Aurora Blvd., Brgy. Kaunlaran, Quezon City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 60 gramo ng high-grade marijuana (Kush) na nagkakahalaga ng P90,000.00; 400 pirasong ecstasy tablets na may halagang P680,000.00; isang (1) litro ng marijuana kush oil na nagkakahalaga ng P1,200,000.00; at 20 piraso ng liquid marijuana vape na may halagang P30,000.00, na may kabuuang halaga na P2,680,000.00.
Narekober din ang isang eco-bag, dalawang cellphone, isang Nissan Navara, at ang perang ginamit sa buy-bust.
Ibinunyag ni Goco ang pagkakasangkot ng dalawa pang High-Value Individuals sa ilegal na droga kaya agad na nagsagawa ng buy-bust operation alas-2:30 kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Carlos P. Garcia Avenue kanto ng Velasquez St., Brgy. UP Campus, QC na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek na sina Terence Concepcion, 43, ng Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City; at Mohammad Villar Dana, 36, ng Brgy. Tandang Sora, QC.
Nakumpiska sa dalawa ang 1,770 gramo ng shabu at 750 gramo ng methylenedioxymethamphetamine (MDMA), na may kabuuang halaga na P13,161,000.00.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.