DOJ chief, ipinag-utos pagbuo ng task force na mag-imbestiga sa Duterte war on drugs

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagbuo ng task force na binubuo ng mga prosecutor at mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang extra-judicial killings (EJK) sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa inisyung Memorandum Order No. 778 na may petsang Nob­yembre 4, nakasaad na ang task force ay pangu­ngunahan ng Office of the Secretary at mag-iimbestiga at tutulong sa pagsasagawa ng case build-up, at kung kinakailangan, maghahain ng kaukulang mga kasong kriminal sa ­korte laban sa mga salarin at lahat ng sangkot sa extrajudicial killings sa kampanya kontra ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.

Inatasan din ng kalihim ang task force na mahigpit na makipag-ugnayan sa House Quad Committee, Senate Blue Ribbon Committee, Phi­lippine National Police (PNP), Witness Protection Program (WPP), Commission on Human Rights (CHR), at mga kaugnay na ahensya ng gobyerno upang mati­yak ang mahusay na pangangalap at pagbabahagi ng mga impormasyon, gayundin ang epektibong pagkuha at pakikipanayam sa mga testigo para sa isang komprehensibong imbestigasyon at pagbuo ng kaso.

Dapat na maisumite aniya ng task force ang report nito sa kalihim nang hindi lalampas sa 60 araw mula sa pag-isyu ng joint Department order.

Show comments