Rep. Tulfo, ACT-CIS Partylist nag donate ng mga gamot vs leptospirosis
MANILA, Philippines — Ipinagkaloob kahapon ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist sa Angat Buhay Foundation ni dating Vice Pres. Leni Robredo ang nasa 50 kahon o 5,000 kapsula ng Doxycycline na gamot sa leptospirosis para maipakalat sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Bicol Region na dumanas ng matinding mga pagbaha.
Sinabi ni Tulfo na karamihan sa natatanggap nilang tawag sa kanilang tanggapan ay ang problema sa leptospirosis dahil sa mga nakababad ang mga residente sa baha partikular na sa nasabing rehiyon.
“Lumubog kasi ang maraming bahagi ng Camarines Sur lalo na ang Naga City noong bagyong Kristine at ang nakakatakot ang mga tao nababad sa baha. Proteksyon o panangga ng mga tao laban sa leptospirosis ang mga gamot po na ito.” Hindi po kami mananawa na tumulong hangga’t may nangangailangan ng ayuda…tutulong po ang ACT-CIS,” anang mambabatas .
Matatandaan na kamakailan ay aabot din sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyon ang ipinamahagi nitong nakalipas na Oktubre 24 sa foundation ni dating VP Robredo.
Nagpadala na rin si Rep. Tulfo ng P50,000 cash para naman sa mga biktima ng bagyo sa San Guillermo Parish sa Talisay, Batangas.
Iginiit ni Tulfo na tuluy-tuloy ang pagtulong ng ACT-CIS partylist at Erwin Tulfo Action Center sa mga nasalanta ng bagyo.
- Latest