Sa mga lugar na sinalanta ni ‘Kristine’
MANILA, Philippines — Tutulong na ang apat na bansa sa Southeast Asia para sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Bicol Region at iba pang nasalantang mga lugar sa bansa.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomucena kabilang dito ay ang Singapore, Malaysia, Indonesia at Brunei; pawang nangakong magpapadala ng air assets para makatulong sa paghahatid ng relief goods sa mga apektadong rehiyon.
Sinabi ni Nepomuceno na ang Singapore ay magpapadala ng air assets nito para magdala ng mga relief goods lalo na sa Bicol Region na malaking bahagi pa rin ng Camarines Sur at Albay
ang hindi pa humuhupa ang baha.
Ang RSAF-C130 aircraft ng Singapore Air Force ay magkakaloob ng airlift support para mag-deliver ng humanitarian aid supplies sa mga komunidad na apektado ng paghagupit ng bagyo.
“Although, again, hindi natin pro-problemahin iyong family food packs, hygiene kits subalit iyong pagtulong sa atin ng mga ibang bansa namely – automatic iyong tulong ng Brunei, Malaysia, Singapore and Indonesia,” saad ni Nepomuceno.
Una nang nanawagan ng tulong si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., sa mga kalapit na bansa sa ASEAN sa gitna na rin ng matinding pinsalang tinamo sa bagyong Kristine.