MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang 68-anyos na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) nang silbihan ng warrant of arrest sa dalawang bilang ng kidnapping with murder, sa Fairview, Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ang inaresto na si Wigberto Loza Villarico, na may mga alyas na “Benjamin Mendoza”, “Alejandro Montalan”, “Lawrence”, “Joven”, “Valer”, “Mark”, “Cris”, “MJ15”, at “FR88” na kabilang sa pagdukot at pagpatay sa dalawang tao noong 2007 sa Barangay Cagsiay, Quezon.
Si Villarico ay dati umanong Secretary ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) na nag-ooperate sa Region 4A at Region 4B na miyembro ng Political Bureau (Politburo) ng CPP.
Isang alyas “Maryjoy”, 35, ang inaresto din sa aktuwal na pagdakip kay Villarico dahil sa pagbibigay ng maling pagkilanlan sa huli at sasampahan ng reklamong obstruction of justice.
Unang inihain ang kaso laban kay Villarico sa Regional Trial Court Branch 64, sa lalawigan ng Quezon, at kalaunan ay nailipat ang pagdinig sa Taguig City RTC Branch 266, na nag-isyu ng warrant of arrest.