Pagdinig ng House quad comm kinansela dahil sa bagyo

MANILA, Philippines — Kinansela kahapon ng House of Representatives quad committee ang kanilang pagdinig upang matutukan ng mga mambabatas ang pagtulong sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Kristine.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairperson ng komite, ang atensyon ay dapat na ituon ngayon sa pagtulong sa mga nasalanta.

Iginiit ng mambabatas ang kahalagahan ng whole-of-nation approach sa pagtugon sa mga lubhang naapektuhan ng bagyo.

Ipinaalala ng solon sa kanyang mga kasama na ang kanilang mandato ay hindi lamang limitado sa paggawa ng batas.

Ang susunod na pagdinig ay itatakda umano ng komite sa mga darating na araw.

Iniimbestigahan ng komite ang kaugnayan ng iligal na operasyon ng POGO, kalakalan ng iligal na droga, at extrajudicial killing sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.

Show comments