3 tinodas sa droga, suspek dedo sa mga pulis

MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad sa isang shootout ang isa sa apat na drug personality na pumatay ng tatlong katao dahil umano sa onsehan sa droga, naganap kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Sa ulat, alas-6:13 ng gabi nitong Biyernes ay pinatay ang tatlong biktima na sina alyas “Marius”, 47, ng MLQ Street, Purok 1, Barangay New Lower Bicutan, Taguig; at isang lalaki at isang babae na hindi pa tukoy ang pagkakilanlan.

Ang pagpatay sa tatlong biktima ay nasaksihan ng isang alyas Ronald, na nagsabing habang naglalakad siya sa Purok 9, PNR Site ay nakita niya ang kapitbahay na si alyas “Mando”, isang alyas “Nash”, at alyas “Duco” at isa pang lalaki na kausap ang tatlong biktima na kanilang pinagbabaril na nagresulta ng kamatayan ng mga ito.

Nagkasa ng operasyon ang Taguig-PNP Station Intelligence Section (SIS) kasama ang Special Weapons and Tactics (SWAT) nang makasalubong ang suspek na si alyas “Mando” sa Purok 9.

Palapit pa lang ang mga pulis ay bumunot ng baril si Mando at pinaputukan ang mga operatiba dahilan upang gantihan siya ng mga putok na agad niya ring ikinasawi.

Patuloy pang tinutugis ang tatlong suspek at ina­alam pa ang pagkakilanlan ng dalawang napatay na biktima.

Show comments