NTC kinalampag sa mas mahigpit na SIM registration vs cybercriminals
MANILA, Philippines — Ipatupad ang mas mahigpit ang pangangasiwa sa telecommunication providers sa pagpaparehistro ng SIM.
Ito ang paghikayat ni Senator Sherwin Gatchalian sa National Telecommunications Commission (NTC) sa gitna ng mapanlinlang na paggamit ng SIM ng cybercriminal kabilang ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), love scam at iba pa.
“Gusto nating higpitan pa ng NTC ang pagpapatupad ng mga telcos kung sila ay hindi sumusunod sa batas at mga patakaran ng NTC. Yan lang ang paraan para madisiplina sila dahil para sa mga telcos, ang pagbebenta ng SIM ay kita,” ayon sa senador.
Bilang co-author ng SIM Registration Act, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat mapigilan ng NTC ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM cards sa pamamagitan ng mahigpit na pangangasiwa sa telcos.
Binanggit ng senador na nagbibigay-daan ang ganitong pandaraya sa sindikato, kabilang ang POGO, na mambiktima, gamit ang mapanlinlang na rehistradong SIM card.
- Latest