MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pilipinong nasaktan matapos ang pagpapaputok ng missile ng Iran sa Israel nitong linggo.
Sa ulat ng Iranian state media, aabot sa 200 missiles ang pinaputok, kabilang ang mga hypersonic na armas sa unang pagkakataon, bilang tugon sa pagpatay ng Israel sa pinuno ng Hezbollah na si Hassan Nasrallah noong nakaraang linggo gayundin sa pagkamatay ng pinuno ng Hamas na si Ismail Haniyeh sa isang pambobomba sa Tehran na malawakang isinisisi sa Israel.
“Sa Israel wala po tayong problema dahil may tinatawag tayong mga bomb shelters,” ani DMW Undersecretary Bernard Olalia sa press briefing sa Malacañang.
“Pati sa Lebanon wala ni isang Pilipino na nasaktan,” aniya pa.
Matatandaan na sinabi ng militar ng Israel noong Martes na nagsimula ang kanilang tropa ng mga target na pagsalakay sa lupa sa timog Lebanon, sa kabila ng hilagang hangganan ng Israel.
Itinigil ng DMW ang deployment ng mga manggagawang Pilipino sa Lebanon, na inilagay sa ilalim ng Alert Level 3 habang patuloy na nililinis ng Israel ang mga pwersang Hezbollah.