MANILA, Philippines — Pito katao ang nasawi habang nasa 100 ang sugatan sa banggaan ng tourist bus at isang sport utility vehicle (SUV) sa zigzag na bahagi ng Majayjay-Lucban Road sa Barangay Bakia, Majayjay, Laguna, nitong Linggo ng hapon.
Apat ang dead-on-the-spot kabilang ang isang babae na naputol ang paa at tumilapon sa bangin. Tatlo naman ang binawian ng buhay sa ospital.
Batay sa report ng Majayjay Municipal Police Station, 96 ang sugatan sa sakay ng bus habang apat naman sa anim na sakay ng SUV ang sugatan.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Majayjay District Hospital, Nagcarlan Hospital at Laguna Medical Center sa bayan ng Sta. Cruz.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) officer Reyjohn Libato, nangyari ang insidente, alas-3:00 ng hapon sa pakurbang daan sa boundary ng Barangay Bakia at Ilayang Banga, Linggo ng hapon.
Mabilis na rumesponde ang rescue teams mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Laguna at Quezon Province upang makuha ang mga biktima na naipit sa loob ng bus.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa Kamay ni Hesus na isang pilgrimage site sa Lucban, Quezon ang mga biktima lulan ng tourist bus na ARR Transporation at pauwi na sa Bacoor City, Cavite.
Ayon sa driver ng bus na si Nelson Bolanos, nagulat na lamang siya nang makasalubong at nasalpok ang Hyundai Kona na minamaneho ni Hazel Reyes, ng Barangay Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon.