MANILA, Philippines — Pinigil ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barko na may pitong tripulante ang nahuli sa karagatan ng Manila Bay dahil sa umano’y pagnanakaw ng gasoline o paihi, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ng PCG na ang BRP Boracay nito ay nakita, alas-10:30 ng gabi ang barkong MV Palawan na may lulan umanong smuggled na diesel fuel.
“Habang patungo sa Bataan para dagdagan ang operasyon ng MTKR Jason Bradley, nakita ng BRP Boracay (FPB-2401) ang MV Palawan na may hindi pa matukoy na dami ng umano’y smuggled na diesel fuel na sakay,” sabi ng PCG.
Ayon sa PCG, tinatawag ding “paihi” ang ilegal na aktibidad na ito.
Ang MV Palawan ay patungo sa Navotas nang ito ay madakip. Sa pagbanggit ng impormasyon mula sa mga tripulante, sinabi ng PCG na kinuha nila ang fuel cargo mula sa isang tugboat.
Hinila ng BRP Boracay ang MV Palawan sa Pier 13, South Harbor, Port Area sa Maynila para sa karagdagang imbestigasyon.