MANILA, Philippines — Nasalang uli sa kontrobersiya ang PBA North Port player na si John Amores at kapatid nito matapos na masangkot sa pamamaril sa isang seaman na kanilang nakaalitan sa “larong labas”, kamakalawa ng gabi sa Lumban, Laguna.
Sa report ng Lumban Municipal Police Station, alas-6:00 ng gabi nitong Miyerkules, naglalaro ng basketball si Amores sa isang court sa Brgy. Salac, Lumban, nang makasagutan nito ang isa sa mga kalaban nila na si Lee Cacalda, isang seaman.
Nagkaroon ng pagtatalo hinggil umano sa tawag ng referee hanggang sa nagkahamunan ang dalawa na magsuntukan sa Brgy. Maytalang Uno.
Agad na sumakay ng kanyang motorsiklo si Amores patungo sa nabanggit na lugar na sinundan naman ng biktima.
Unang nakarating ang biktima sa pinag-usapang lugar kaya’t nang dumating si Amores at bumaba ng motorsiklo ay pinaputukan umano ng baril ang una na masuwerteng hindi tinamaan
Mabilis tumakas si Amores na sakay sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang kapatid.
Kahapon ng umaga nang sumuko si Amores at kapatid nito sa Lumban Police at nakatakdang sampahan ng kasong attempted murder.
Matatandaang dati nang nasangkot si Amores sa isang gulo sa pagitan ng JRU at College of St. Benilde noong 2022, kung saan ilang players ang napatamaan ng suntok ng noo’y JRU player.
Nangako si Amores na magbabago kaya nabigyan siya ng pagkakataon na makapasok sa PBA.