MANILA, Philippines — Labimpitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) ang ipinatatawag ng panel ng Kamara de Representantes kaugnay ng imbestigasyon sa kuwestiyonableng paggamit ng pondo ng nasabing tanggapan.
Nitong Miyerkules ay hindi sinipot ni VP Sara ang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua kaya nag-isyu ng show cause order laban sa 17 opisyal ng OVP upang magpaliwanag sa komite.
Kabilang sa mga ito ay sina Undersecretary Zuleika Lopez (Chief of Staff), Assistant Secretary Lemuel Ortonio (Assistant Chief of Staff), Rosalynne Sanchez (Director of Administrative and Financial Services), Special Disbursing Officer Gina Acosta, at Chief Accountant Julieta Villadelrey at iba pa.
Kung hindi makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag o muling hindi sisipot sa pagdinig, maaaring ma-cite in contempt ang mga ito at maharap sa pag-aresto at pagkakakulong.
Ang pagpapalabas ng show cause order ay bunsod ng mosyon ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, ang Vice Chairman ng panel na inaprubahan ni Chua matapos na walang tumutol.
Sa 17 opisyal ng OVP na inimbitahan, tanging si OVP spokesperson Michael Poa, na itinalaga noong Agosto 19 ang humarap sa panel, pero sinabi nito na hindi siya binigyang pahintulot ng Bise Presidente na magsalita sa ngalan ng tanggapan.